Let me be the One 2

Chapter 5



Chapter 5

Renesmee Marie’s Point of View

Nakakasilaw na liwanag mula sa tirik na araw ang tumama sa mga mata ko at gumising sa akin. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at napahawak sa noo ko nang maramdamang ang sakit ng ulo ko.

“Hangover.”

Gulat akong napatingin sa tabi ko at nakita si Kyo na nakaupo sa upuang malapit sa may pintuan. Nakatingin lang siya sa akin habang blangko ang ekspresyon ng mukha niya. Nagpakawala siya ng malalim na paghinga at saka niya ipinagpatuloy ang pagbabasa niya ng dyaryo.

“Anong ginagawa mo dito?” tanong ko.

Sandali siyang huminto sa pagbabasa at muli siyang tumingin sa akin.

“Binabantayan ka,” napakakalmadong sagot niya.

“Bakit mo naman ako babantayan?”

“Simple lang. Dahil iyon ang trabaho ko,” mabilis niyang sagot. Oo nga pala. Bodyguard ko nga pala siya.

I looked around to check kung nasaan ako at agad na nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize ko na kwarto ko ito sa palasyo.

“Teka?! Kailan pa ako nakauwi dito?!” gulat na gulat na tanong ko.

“Sigurado kang hindi mo alam?” napakasarkastikong tanong niya.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa kama at inikot ko ang tingin sa buong kwarto. Tama nga, nasa palasyo na ako. Pero paano ako nakauwi dito? Pilit kong inaalala ang nangyari kagabi. Sa pagkakatanda ko ay nasa resort pa ako kagabi. Oo, naalala ko pa, pinilit pa akong painumin ng Mean Girls kagabi at.. At nakasama ko pa si Sol! Tama. Kasama ko pa siya kagabi!

“Nasaan si Pandak?” tanong ko kay Kyo.

“Nandito na nga ako pero iba pa rin hinahanap mo,” bulong niya.

“Ano ‘yon?” tanong ko dahil hindi ko masyadong maintindihan ang bulong niya.

Bago sumagot ay napahawak muna siya sa batok niya. “Ang sabi ko, hindi ako hanapan ng nawawalang aso,” naiiritang sagot niya.

“Hindi aso ang boyfriend ko, Kyo,” pagtatanggol ko.

“Oh, boyfriend mo nga pala. Okay, then let me just clarify na ang trabaho ko lang ay ang bantayan ka at panatilihin ang kaligtasan mo. Hindi ako hanapan ng nawawalang hindi importanteng tao,” halatang naiinis na saad niya.

Napakunot ang noo ko sa naging sagot niya. “Importanteng tao siya. Importante siya sa akin.” Saad ko at pagkasabi ko noon ay nilagpasan ko na siya para lumabas ng kwarto ko.

Isasara ko na sana ang pintuan at sasaraduhan siya habang nasa loob pa siya, pero saglit akong natigilan nang hindi ko inaasahan na marinig ang bulong niya.

“Sana kahit kaunti ay nagkaroon din ako ng importansya sa’yo.”

Agad akong nakaramdam ng kirot sa dibdib ko. Hindi ko makuhang magsalita. Napabuntong hininga na lang ako at umastang walang narinig. Tuluyan ko nang isinara ang pinto at mabilis na bumaba sa paikot at mataas naming kulay gintong hagdan. Hindi pa rin ako makapaniwala na nasa palasyo na ako. Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin kung paano ako nakauwi dito… kung nasaan si Sol.

Hindi pa ako tuluyang nakakababa ng hagdan nang maramdaman ko ang presensya ni Kyo . Hindi ko siya pinansin. Ayaw ko siyang pansinin hindi dahil sa iniinsulto niya si Sol kundi dahil nahihiya ako. Nahihiya ako dahil nung mga panahong nasasaktan ako, siya ang laging nasa tabi ko. At ngayon namang masaya na ako, parang bigla siyang naetchapwera.

Dire-diretso akong naglakad papunta sa malawak naming sala habang nakasunod lang sa akin si Kyo at ang mga katulong ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Parang gusto kong masuka.

“Ipaghanda mo ng kapeng puro ang Young Lady.”

Napatingin ako kay Kyo nang utusan niya ang isa sa mga katulong ko.

“Aanhin ko ang kape? Tanghali na at ang init-init. Dapat mag juice nalang ako,” saad ko.

Tumingin ako sa isa sa mga katulong ko. “Ipagtimpla mo ko ng orange juice,” utos ko.

Napasandal ako sa upuan ko at sinubukan kong hilutin ang masakit kong ulo. Ang kasi sakit talaga. Ugh.

“At sa balitang showbiz. Nagbalik na sa Manila ang sikat na Korean Artists na Four Kings ngayong umaga mula sa tatlong araw na bakasyon sa isang pribadong resort kasama ang kanilang manager. Ayon sa sources ay nagpalamig muna ang grupo dahil sa pressure ng nalalapit nilang concert sa susunod na linggo.”

Mabilis akong napatingin sa television nang marinig ko ang balita.

“Mr. Sol, can we interview you, please?” tanong ng reporter.

Papasok na sana sina Sol at ang mga kasamahan niya sa isang kilalang hotel nang harangin sila ng napakaraming reporters. Halos hindi na sila makaalis dahil sa paniniksik sa kanila.

“How is your relationship with Ms. Aliyah Gilbert? Did you two make things up when you left Manila?” tanong ng reporter.

Halatang natigilan si Sol sa tanong na iyon. Hanggang ngayon…affected pa rin siya. Huminto siya sa pagpupumilit na pag-alis sa mga nagsi-siksikang reporters. Mukhang balak niyang sagutin ang tanong na iyon.

“Mr. Kyo eto na po ang kape na pinapahanda nyo.”

Nanatili akong naka-focus sa pinapanuod ko. Kinakabahan ako pero hindi ko alam kung bakit. Nilapit ng reporter ang microphone kay Sol para sa magiging sagot niya.

“Actually...yes. I was with Renesmee and Aliyah was with Liloree, so I think we're good,” sagot niya.

May kasunod pang itinanong ang mga reporters pero hindi na niya sinagot pa ito. Tuluyan na silangpumasok sa hotel.

“Psh. So handa niya na talagang i-broadcast ang meron sa inyong dalawa?” kumento ni Kyo.

Inagaw ko ang hawak-hawak niyang inumin at ininom ko iyon. Whew! Napressure ako dun, grabe! Pakiramdam ko ay ako ‘yung ini-interview! Pero teka...

“Bakit ang pait?!” napangiwi ako.

“Tama lang ‘yan para mawala ‘yang hangover mo,” paliwanag ni Kyo.

Tiningnan ko ang inuming hawak-hawak ko. Nasaan na ‘yung juice na pinatitimpla ko? Bakit kape ‘to? Ugh. Tumingin ulit ako kay Kyo at napansin kong umiinom din siya ng kape.

“May hangover ka rin ba?” tanong ko.

Napatingin siya sa kapeng hawak niya at saka ngumiti. “Bakit? Yung mga may hangover lang ba ang nagkakape?” pilosopong tanong niya.

“Ah, sabagay. Baka hindi ka na tinatablan nun dahil gabi-gabi ka na lang umiinom,” asar na sagot ko.

“Actually, hindi naman ako uminom kagabi,” saad niya.

Aba himala! Etong lasinggerong ‘to hindi uminom kagabi?

“Bakit naman?” tanong ko.

Bumuntong hininga muna siya bago sumagot. “Dahil binabantayan kita kagabi. Hindi ako pwedeng magpakalasing dahil lasing na lasing ka. Hindi kita pwedeng pabayaan,” sagot niya

Hindi ako nakaimik. Natahimik ako sandali bago napatingin ulit sa kapeng hawak-hawak niya.

“Eh kung ganun pala eh bakit umiinom ka rin ng kape?” tanong ko.

“Para may kadamay kang lasahan ang pait. At least man lang maisip mong hindi ka nag-iisa,” seryosong sagot niya. Hindi ko na namalayang nakatulala na pala ako sa mukha niya at hindi ko magawang makapagsalita. Damn, Kyo. Bakit ba napakabuti mo sa akin?

“Wag kang mag-alala. Ginagawa ko lang ang trabaho ko,” saad niya at saka agad na tumayo at umalis.

“Saan ka pupunta?” tanong ko.

Hindi siya sumagot at dire-diretso siyang lumabas ng palasyo na parang hindi niya ako narinig. Ano kayang iniisip niya ngayon? At teka? Paano nga ba ulit ako nakauwi dito?!

☆☆☆

“Paano ba kasi ako nakauwi dito? Sagutin mo na kasi!” pangungulit ko kay Kyo.

Nanatili siyang walang imik at naka-focus sa ginagawa niya.

“Ano ba kasing—”

“Ayan! Na-dead tuloy ako! Ang kulit mo naman kasi!” pikon na sigaw niya sa akin.

“Ano ba kasing ginagawa mo at ayaw mong sagutin ang tanong ko?”

“Eh naglalaro nga ako ng Flappy Bird. Ang kulit-kulit mo!” sagot niya na para bang talagang napaka-importante nung nilalaro niya.

“Ano bang laro ‘yun? Patingin!”

“Ayoko! Baka mamaya ma-adik ka na rin.” Sagot niya.

“Sus! Hindi ‘yan! Kay Sol lang ako adik!” Sagot ko at saka tiningnan ang nilalaro niya. “Uy! Mukhang ang ganda ah! Oh teka! Tumalon ka, baka mabangga. Ayan! Na-dead kana! Bakit kasi hindi ka tumalon?” tanong ko habang amaze na amaze sa Flappy Bird na nilalaro niya.

“Isa pa, bilis!” Utos ko sa kanya habang hindi ko pa rin inaalis ang tingin sa iPhone niya. Tiningnan ko siya nang hindi pa rin niya pini-play yung Flappy Bird. Pansin kong seryoso lang siyang nakatingin sa iPhone niya na parang nakatulala.

“Bakit, Kyo? May problema ba?” tanong ko. Nagulat ako nang bigla na lang siyang tumayo.

“Oh, maglaro ka kung gusto mo.” Parang naiinis na saad niya habang inaabot niya sa akin ang iPhone niya.

“May problema ba?”.

“Wala. Ang kulit mo kasi, hindi ako makapaglaro nang maayos.”

Kinuha niya ang kamay ko, inilagay niya roon ang iPhone niya at mabilis siyang lumabas ng kwarto ko. Anong problema nun?

☆☆☆

Kyohei’s Point of View

“Anong ginawa mo sa kakambal ko? Narinig ko kayong nagsisigawan.”

Kalalabas ko pa lang ng kwarto ni Renesmee ay bumungad na naman sa akin ang mukha ng kakambal niya. Bakit kasi magkamukhang magkamukha sila nitong kakambal niya?

“Wala ka nang pakialam dun,” sagot ko.

Agad na kumunot ang noo niya sa naging sagot ko. Psh. Akala mo kung sinong mabait. Eh mabait lang naman siya kapag kaharap niya ang kakambal niya.

Lalagpasan ko na sana siya pero natigilan ako nang hinawakan niya bigla ang braso ko. Napapikit ako sa inis.

“Wag kang mag-alala. Wala akong sinasabing kahit ano sa prinsesa mo.” Naiiritang saad ko.

Pagkasabi ko noon ay kaagad kong inalis ang kamay niyang nakahawak sa akin.

“Next time, ‘wag mo ‘kong hahawakan. Baka mahawa ako sa kasamaan mo,” saad ko at mabilis akong naglakad papunta sa hagdan. Bababa na sana ako nang marinigkong sumisigaw si Renesmee patakbo sa akin.

“Oh gosh, Kyo! Top score ako, wahahaha! Naka-one hundred ako, haha!” Masayang-masayang balita niya sa akin.

Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na inagaw sa kanya ang iPhone ko upang tingnan kung totoo ang sinasabi niya. Gulat kong ibinalik ang tingin ko sa kanya nang makumpirma ngang naka-one hundred ang score niya. Paano niya nagawa ‘yon?!

“Ang galing ko noh? Oh, ngayon ilibre mo kong ice cream!” utos niya.

“Teka, bakit ko naman gagawin ‘yon?!” protesta ko.

“Eh kasi nag-top score ako! Natalo kita, kaya ililibre mo kong ice cream!” pangungulit niya.

May usapan ba kaming ganun? Takte wala akong pera!

☆☆☆

Ang gulo-gulo ni Renesmee habang nag-iikot kami sa pinakamalapit na mall sa palasyo nila.

“Wag ka ngang magulo!” Utos ko, pero sa totoo lang ay natutuwa ako sa ginagawa niya. Para siyang bata. Ang ganda niyang tingnan. Ang saya niya.

“Woah! Finally! Eto, bagay na ba sa akin?” tanong niya habang suot-suot ang wig na kulay itim at kulot ang dulo nito. Tumango naman ako sa kanya bilang sagot. Kanina pa kami nag-iikot sa mga shop para makapili ng pang-disguise niya. Mahirap na, dahil baka may makakilala sa kanya. Girlfriend nga pala siya ng sikat Sol na ‘yun. Tss.

“Finally! Tara na! Hanap na tayong ice cream! Kanina pa ‘ko naglalaway dito,” parang batang sabi niya.

Nauna siyang naglakad habang nakasunod lang ako sa kanya. Kahit na naka-disguise na siya ay madami pa ring napapatingin at napapalingon sa kanya. Natigilan ako sa pagmumuni-muni nang magreklamo ulit siya.

“Uy, bilisan mo nga! Wala akong mahanap na ice cream dito.”

Madilim na nang makalabas kami ng mall. Maghapon ko na pala siyang nakasama. Kahit papaano ay masayang masaya na ‘ko na makasama siya nang ganito katagal.

May mga stores sa labas ng mall at doon na lang namin napagpasyahang maghanap ng ice cream dahil wala naman kaming nahanap sa loob. Paniguradong gutom na gutom na siya ngayon. Hindi ko akalain na ganito pala kahirap at nakakapagod maghanap ng ice cream.

“Ayun! Sht! Ice cream! Kanina pa kita hinahanap!” sigaw niya at saka mabilis na tumakbo papunta sa may nagtitinda ng ice cream. Hay sa wakas!

Nang makabili na siya ay naupo muna kami ni Renesmee sa may semento sa may sea side kung saan ay madami ring tao ang nakaupo. Wala na ang araw na maganda sanang panuorin ang paglubog kung mas maaga lang sana kaming lumabas. Tanging ang makukulay na ilaw na lang sa paligid ang nagbibigay liwanag sa lugar. Pinanuod ko lang si Renesmee habang sarap na sarap na inuubos niya ang limang ice cream na binili niya kanina.

Napatingin ako sa langit nang may makukulay na fireworks ang umagaw sa atensyon ko.

“W-wow!” sigaw ni Renesmee.

Napangiti ako habang sabay naming pinapanuod ang makukulay at magandang fireworks kasama ang napakaraming tao na nakaupo rin sa sementadong inuupuan namin.

“Uh! Yung wig ko!”

Napatingin ako sa kanya at nakita kong wala na nga ang wig na halos buong araw naming hinanap para bilhin. Masyadong malakas ang hangin dahilan para liparin noon ang wig niya.

“Hayaan mo na nga. Gabi naman na. Wala na sigurong makakakilala sa akin.” Pagkumbinsi niya sa sarili niya.

Ngumiti na lang ako sa kanya at saka niya ibinalik ang atensyon niya sa fireworks display. Pasimple akong sumusulyap sa kanya at pinanuod siya na parang batang kumakain ng ice cream at nanunood ng fireworks. Natigil ang panunuod ko sa kanya nang maramdaman kong nag-vibrate ang cellphone ko na nakalagay sa bulsa ko. Inilabas ko ito at kaagad kong nabasa ang mensahe na ipinadala niya.

Borrowed time is over.

Kaagad akong nakaramdam ng kirot sa dibdib habang tinititigan ko ang apat na salitang iyon. Napabuntong hininga na lang ako at saka ko muling ibinalik ang tingin sa babaeng nasa tabi ko. Natawa ako habang tinitingnan ang madungis niyang mukha. Para talaga siyang bata. Nagkalat ang ice cream sa gilid ng labi niya

“Kyo, gusto mong ice cream? Nalusaw eh, hindi na masarap!” alok niya.

Nanatili lang akong nakatitig sa kanya at kinakabisado ang bawat detalye ng maganda niyang mukha. Ang hirap pa lang magpaalam sa taong hindi naging sayo kailanman.

“Kumakain ka naman ng ice cream, diba?” Tanong niya.

Ngumiti ako sa kanya at saka tumango.

“Oo, kumakain ako ng ice cream,” sagot ko at mabilis ko siyang hinila papalapit sa akin at saka ko hinalikan ang labi niyang may bakas pa ng ice cream.


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.