Sylvestre's Wedding

Chapter 15



Chapter 15

“J UST drive,” sabi ni Sylvestre.

Hindi na ako tumutol. Ang gulo ng isip ko. Itinapak ko na ang aking paa, pinihit ang susi at pinaandar ang kotse. Bakit ba hindi ko sinagot ang cell phone? Ilang missed calls na ang nandoon. Mga text messages. Kay Kuya, kay Nanay, kay Aljur. Bakit ba hindi ako nakikinig?

Umandar ang kotse na kasabay ng paninikip ng dibdib ko. Namamasa ang mga mata kong hindi matuluyan sa pagluha. Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Napapabigat sa pagtapak ko sa kotse. Bumilis ang aming takbo. Wala akong pakialam, kailangang makabalik ako ng Maynila. Kailangang maabutan ko si Papa.

Mas bibilisan ko pa sana ang takbo ng kotse. Pero bago pa ako makakambyo, hinawakan ni Sylvestre ang kamay ko.

“The worst has happened kay Tatay,” sabi ni Sylvestre. “I wouldn’t get any worse.”

Bumagal ang takbo ng kotse hanggang sa magdesisyon akong ihinto ang sasakyan. Sumandal ako at napabuntong-hininga. Isa. Dalawa. Tatlo. Hanggang sampu. Pagkatapos, inilabas ko ang cell phone. Nag-dial.

“Kumusta si Tatay?”

“Nasa emergency room pa si Tatay. Naghihintay na lang kami ng room na paglilipatan,” sabi ni Kuya. “Stable na pero kailangan pang obserbahan.”

“Papunta na ako.”

“Alam ko. Pero chill ka na. May aabutan ka pa naman na buhay. Baka mauna ka pa kay Paps.”

Ibinaba ko ang cell phone at tinangka kong ilagay na uli sa neutral ang kambyo. Muling humawak ang kamay ni Sylvestre. Sa pagkakataong ito, tiningnan ko siya. Nakita ko ang concern sa titig niya sa akin. Binitawan ko ang kambyo at binaligtad ang aking kamay para salubungin ang sa kanya. Nagsalikop ang mga daliri namin at humigpit ang hawak sa isa’t isa.

Tuluyan kong iniharap ang katawan ko kay Sylvestre na kanya ring ginaya at sinalubong ang paglapit ko. Niyakap niya ako. Hinaplos ang aking likod. Lumalim ang hinga ko. Napapikit. I just realized how kind Martin was to me. Iniwan niya ang kanyang mapapangasawa. Papunta siya sa Maynila ngayon, babagtasin ang trapik ng Batangas hanggang EDSA. Balikan. Dahil bukas, sa pagputok ng araw, kailangang maghanda na siya para makaabot sa perpektong kasal na pinapangarap ni Camina. Sylvestre was putting his wedding in jeopardy for me. And all I felt was guilt.

“I’m sorry,” sabi ko.

Hindi nagsalita si Sylvestre. Humigpit lang lalo ang kanyang pagkakayakap. Lalong lumala ang pagsisisi ko sa katawan. Napakabuti ng best friend ko.

“I’m sorry, I tried to destroy your wedding,” sabi ko.

“It’s okay,” sabi niya. “Your Tatay has been mine din.”

Mas tinodo ko na ang sorry ko. “Hindi lang dahil sa nasa ospital si Papa at kasama kita,” tuloy ko. “Sinasadya ko talagang masira kayo ni Camina. Sinubukan kong akitin ka para maging akin ka…”

“I know, and it’s okay,” sagot uli ni Sylvestre.

“No you don’t understand,” Pagpapatuloy ko na, hindi na nagpapigil. Nasa streak of forgiving na rin naman si Sylvestre. Ilalabas ko na ang lahat ng kasamaan ko. Dahil sa palagay ko, karma ito. Si Tatay ang nagbabayad ngayon sa pagiging makasarili ko. “Sylvestre, I wrote a speech. I was to tell Camina, her family and all your guest that we used to fool around, that you loved me…”

“It’s okay and I still love you…” Pero napigil ko siya.

“No you don’t understand, sisirain ko talaga kayo kani— What?” Sinabi niya ba na mahal pa rin niya ako?

“I wouldn’t be here if I don’t love you anymore,” sabi ni Sylvestre.

Hindi ako nakapagsalita. Mahal pa niya ako. Gusto kong ngumiti pero mga salita lang ang mga iyon. Hindi ko naramdaman. Walang kinang ang mga mata niya tulad ng sa mga pelikula. Na matapos mag-confess ng bida ng kanyang nararamdaman ay mauuwi na sa halikan na iikutan ng camera para sabihin na tapos na ang pinanonood ninyo, ito na ang happy ending. May forever, pero hanggang dito na lang muna ang palabas. Wala iyon. Paano niya nasasabing mahal niya ako na walang kahalong emosyon?

“Drew, Tatay mo is in the hospital,” sabi ni Sylvestre. “I don’t think this is the right time to talk about relationships. I am here because I love and I support you for whatever you have done and tried to do.”

“Tried to do?” sabi ko.

“Yeah. I know,” sabi ni Sylvestre. “Aljur couldn’t stop you. So he called me and told me your plan…”

“Yet you didn’t stop me?”

“Drew, I told you this isn’t the time to talk about us, I know you can chill as we are on our way to Manila, but hey, let’s focus on your dad first.”

“But your wedding…” pagtataka ko.

“It wasn’t as perfect as you think,” sabi ni Sylvestre. “Kung hindi iyon matutuloy, hindi iyon matutuloy. And your speech will have nothing to do with it.”

He ended it in a note na ayaw na niyang pag-usapan pa ang mga detalye.

“Now, don’t be too hard on yourself. We are going back to Manila to see that Tatay is getting better.”

TAHIMIK sa loob ng kuwarto ni Tatay. In fairness kay Nanay, naghintay talaga siya ng mamahaling kuwarto para sa ex niya. Sa mataas na floor, walang kasama. Dapat lang. Alam kong wala ako sa lugar mambintang pero dahil may karapatan naman ako sa sarili kong consciousness, kung wala ang presence ni Nanay ngayong araw na ito, malamang, wala rin naman si Tatay sa ospital ngayon. At the end of the day, nanay ko pa rin siya. Yakap ang isinalubong niya sa akin. Yakap na mahigpit. Yumakap rin ako kay Kuya.

“Sylvestre?” gulat na sabi ni Nanay nang makita ang lalaki sa likod ko.

“`Nay,” sabi ni Sylvestre. “Kumusta po?”

“Ang laki mo na,” sabi ni Nanay.

“Talaga, Momchie?” sabi ni Kuya. “May mas ki-cliché pa ba sa `yo?”

“Tantanan mo ako, bakla,” sabi ni Nanay.

“Hindi ako bakla, babae ako,” sabi ni Kuya.

“And the cliché battle starts,” sabi ko.

“Gaga,” sabi ni Kuya. “Hindi talaga ako bakla, ikaw ang bakla. Ako, babae ako. Pero huwag na natin dito ituloy ang diskusyon. Dahil mas bet ko itong bagong Sylvestre. Ikakasal ka na raw? So ano? Ano na’ng nagawa nitong sisterette ko sa pag-demolish ng pa-event ng fiancé mo?”

“Ate, andami mong sinasabi,” pigil ko.

Ngumiti lang si Sylvestre at nagsimula ng bagong usapin para takpan ang awkwardness na bumalot sa paligid. “Nandito po si Aljur, right?”

Suddenly, ako naman ang nailang. Bakit naman sa dinami-rami ng maiisip niyang itanong, eh, naghanap pa siya ng taong hinihiling kong hindi muna makita?

“Bumili ng foodams,” sabi ni Kuya. “Gutom Jones na kami kanina pa. Sa iyo dapat kami papabili, kaya lang 48 years ka pa bago makarating. Kaya nag-Katniss Evergreen na lang ang jowa mo at nag-volunteer para maging tribute. Pabalik na `yon mayamaya. May dalang litson.”

“Baboy?”

“Ay, may time pumunch line?” sabi ni Kuya.

“Drew…”

Mahinang boses ang nagpatahimik sa aming lahat. Nagising na si Tatay.

“Maiwan ka na muna dito,” sabi ni Nanay. “Gusto kang makausap ng tatay mo.”

“Pero…” sabi ko na napigilan ni Kuya.

“Nakausap na namin siya kanina bago siya makatulog,” sabi ni Kuya. “Ikaw na lang ang hinihintay niya.”

“Bakit ako na lang ang hinihintay,” bumilis ang tibok ng puso ko. Akala ko ba ayos naman?

“Hindi pa ako mamatay, Drew,” sabi ni Tatay. “Palabasin mo na sila.”

Nang makalabas na ang tatlo, isinara ko ang pinto saka ako lumapit kay Tatay. Umupo ako sa kama niya. Hinawakan ni Tatay ang kamay ko. May battle of the cliché talagang nagaganap. Pero hindi nagsalita si Tatay. Tumingin lang siya sa akin.

“Sabi ni Kuya, gagaling naman daw po kayo,” sabi ko. Sinubukan kong palakasin ang loob niya kahit napansin kong medyo ngiwi na ang kanyang mukha. “Si Nanay rin po, huwag na ninyong intindihin. Huwag na ninyong hayaang pabigatin pa niya ang nararamdaman ninyo. Tingnan ninyo ang nangyari sa inyo. Nandito naman ako. Tawagan lang ninyo ako.”

“Ulol mo,” sabi ni Tatay. Sa mura niyang iyon, naisip kong okay na nga siya. “Ilang oras ka raw tinawagan, hindi ka sumasagot.”

“Sorry na, `Tay,” sabi ko. “Pero last na iyon. `Pag gumaling kayo, hindi ko na kayo iiwan. Isasama ko na kayo sa condo ko. Kahit ibigay na ninyo kay Nanay ang lahat ng meron sa bakery. Ibenta na ninyo, saka paghatian na ang pera. `Tapos, gamitin ninyo para magbakasyon, mambabae, magpakasaya. Ubusin ninyo ang pera dahil ako na ang sasagot sa inyo. Kalimutan na ninyo si Nanay.”

Ngumiti si Tatay.

“Hindi ko na yata makakalimutan ang nanay mo. Hindi siya mapapalitan. Siya ang true love ko. Hindi nga lang siguro ako ang true love niya. Si Steve. Pero siya naman iyon. Minsan kasi, kailangan nating tanggapin na ang true love natin ay hindi para sa atin.

“Gano’n kasi ang true love, anak, mapagpalaya. Naging ganid ako. Ikinulong ko ang nanay mo. Inanakan ko. Akala ko kasi, `pag nagkaanak siya, hindi na siya aalis. Pero `yon nga, true love ang pinakamakapangyarihan sa lahat. At itinumba ng pagmamahal ng nanay mo kay Steve ang lahat ng sinubukan kong iharang sa kanilang dalawa.”

`Tang-ina, sapul na sapul ako. Na kahit awkward ang dating ng salitang true love kapag galing sa bibig ni Tatay, hindi ko napigilang lumuha. Wala nang pamamasa tulad nang kanina. Tuluy-tuloy lang ang pagpatak ng luha ko.

“`Tay, tama na,” sabi ko. “Huwag na ninyong isipin `yan. Baka atakihin na naman kayo. Hindi ko mapapatawad si Nanay kapag may nangyari sa inyo.”

“Huwag gano’n, anak. Hindi ko na naman iniisip ito, ikinikuwento ko na nga sa iyo,” sabi niya. “Ito lang kasi ang maipapamana ko sa iyo. Mas mayaman ka na sa akin. Kinuha ng nanay mo ang lahat ng naipundar niya at napabayaan ko. Kahit paano, itong ibinibigay ko sa iyo, walang makakanakaw sa iyo.”

Shit, knowledge. Ang yamang hindi nananakaw.

“Matuto ka na sa akin, Drew,” tuloy ni Tatay. “At patawarin mo na ang nanay mo. Malaki ka naman na. Palayain mo na siya sa mga responsibilidad niya bilang isang ina. Tumanda ka na. Naibigay na naman niya ang pag-aarugang kailangan mo bilang tao. Nakakatayo ka na sa sarili mong paa.”

“Pinalaya n’yo na po ba siya? Pinatawad?”

“Oo. At iyon ang pinakamasayang naramdaman ko sa buhay ko,” nagsimulang tumulo ang luha ni Tatay. “Mas masaya kesa noong tumakbo siya sa akin at sinalo ko siya nang magkasira sila ni Steve. Akala ko noon, ako na ang pinakamasaya. Pero mas masaya ito, ang makita siyang totoong masaya, kahit sa piling ng iba.”

“Masaya talaga kayo, `Tay?”

“Sobrang saya. Ito, na-stroke.”

“Tatay naman. Tama na. Baka lumala kayo.”

“Seryoso ako at huwag mo na akong pigilan. Ang saya-saya ko ngayon. Kailangan kong masabi sa `yo. Anak kita. At wala naman akong pagkukuwentuhan nito. Hindi ko naman ito maiiiyak sa mga kumpare ko at baka isipin nilang sa akin mana ang mga anak ko. Mga bakla.”

Nagulat ako sa sinabi ni Tatay. Alam niya? Nangiti siya dahil mukhang nababasa niya ang mukha ko.

“Huwag naman tayong mag-ululan, anak. Sinadya kong maging tanga sa nanay mo, pero hindi ako totoong tanga para maniwalang best friend mo lang si Sylvestre at `yang si Aljur.”

“Eh, bakit si Kuya, pinalayas mo?”

“Galit ako noon. Galit na galit. Hindi ko alam kung saan. Sa mundo, sa nanay mo, sa sarili ko. Wala akong mapagbuhusan dahil wala naman akong dahilan. Kaya ang konting pagkakamali, doon ko ibinuhos lahat ng sama ng loob ko. Nag-sorry na ako sa kuya mo. Nag-iyakan na kami.”

Ang totoo, naninibago ako kay Tatay. Ngayon ko lang siya nakitang ganito kadaldal. Hindi ko alam kung iniisip niyang pwede na siyang mamatay soon kaya inilalabas na niya ang lahat ng gustong sabihin. O sadyang napakasaya lang niya at hindi ma-contain ang lahat ng emotions.

Humigpit ang pagkakahawak ni Tatay sa kamay ko.

“Ang pagpapalaya ang isa sa pinakamatapang na desisyon na dapat nating gawin,” sabi niya.

BUMALIK sina Nanay at Kuya sa kuwarto. Tapos na ang pang-MMK na usapan namin ni Tatay. Naliwanagan na ako sa buhay. Inilalatag ni Nanay ang pagkain sa side table nang mapansin kong hindi pumasok sa kuwarto ang bumili ng pagkain. Si Aljur. Medyo may ilang oras ko na siyang hindi nakikita.

“Nauna na si Sylvestre mo,” sabi ni Nanay. “Ikaw, ikakasal na pala `yong best friend mo, hindi mo man lang kinuwento sa akin,”

“Umalis na?” tanong ko at nag-asta na akong lalabas. “Hindi nagpaalam?”

“Kapatid, alam ni Gurl ang priorities niya,” sabi ni Kuya. “Magagalit ka pa? Iniwan na nga ang kasal masamahan ka lang dito? Issue pa ang pagpapaalam? Gising, Drew. You are not the sun. Hindi sa iyo umiikot ang mundo.”

Hindi ko na talaga inintindi ang sinabi ni Kuya. Paglabas ko ng kuwarto, nagpalinga-linga ako. Hindi ko alam kung bakit may kaba ako sa ideya na wala si Sylvestre at si Aljur sa paningin ko. Nilakad ko ang pasilyo hanggang sa makarating ako sa may pinto malapit sa elevator. Kuwarto ng janitor. Malapit sa CR.

Hindi ko alam kung bakit napako ang mga paa ko doon.

Siguro dahil sa mga sumunod kong narinig. May humahalinghing.

Lumakad ako papalapit sa pinto.

“Ahhh… Ang laki mo rin. Fuck,” sabi ng isang boses. Pero hindi boses ng babae. Lalaki ang nagsasalita. Pero masyadong mahina para makilala ko.

Mas lalong kumabog ang dibdib ko. Kinakantot ba ni Aljur si Sylvestre? O si Sylvestre ang kumakantot kay Aljur? Naisip ko si Bernardo Carpio. Parang siya ngayon ang dibdib ko na pinipiga ng dalawang bundok. Naninikip. Bumagal ang malalalim kong paghinga. Napahawak ako sa pinto. At ang isang kamay ko, sa doorknob.

“Shhhh,” sabi ng boses sa loob. Hindi ko alam kung sino sa kanila ang nagpatigil ng kasamaan nila.

Ilang hinga pa. Tumulo ang luha ko na hindi ko sinasadya. Nagkaroon ng sariling desisyon ang mga mata kong maglabas ng emosyong hindi ko pa alam kung ano ang itatawag. Basta masakit ang dibdib ko. Ang sakit-sakit. Na hindi ko magawang igalaw ang doorknob.

Kaya ko ito. Pinihit ko ang doorknob.


Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.