Chapter 9
Chapter 9
“BAKLA, namatay na ba si Itay?” tanong ni Juliana Dyslexia Del Aura Iglesia. Pero kapag normal na araw, tinatawag kong Kuya Dexter. Nasa tent niya kami. Tapos na ang pageant at sa table nila ay may tatlong korona. Hindi pa tinatanggal ni Kuya ang 1 st runner up sash niya na nakapatong sa one-piece swimsuit.
Tuloy pa rin ang pag-agos ng luha ko kahit hindi maganda ang biro ni Kuya. Hindi naman ako umaatungal. Pero tuwing maaalala ang pagkakasabi ni Sylvestre na matagal na kaming tapos, hindi ko mapigilang hindi mapahikbi.
Umiling lang ako. I didn’t want to explain. Gusto ko lang umiyak at may makasama.
“Punyeta, Drew?” sabi ni Kuya. “Kapag iyan lalaki lang, tatamaan ka sa akin. Ang laki-laki ng katawan mo, umiiyak ka. Nasasaktan pa ba `yang katigasan mo?”
“Bakla, muscles lang ang matigas diyan pero ang puso…” Hindi na natuloy ng isa pang baklang naka-two-piece din pero may mga peek-a-boo sa gilid, ang sasabihin niya.
“Bakla, `wag kang epal. Kapatid ko ito. Alam kong matigas pa sa abs niya ang puso niya,” sabi ni Kuya.
“Pahawak nga.” At lumapit ang isa pang baklang naka-two-piece sa akin at hinawakan ang abs ko, pagkatapos ay nag-antanda.
“Mga bakla, please,” sabi ni Kuya. “Kapatid ko ito. Parang ako na rin ang kumantot sa inyo. Gusto n’yo ba?”
“Bakla, para ka namang hindi sanay,” sabi ng baklang nagtatanggal ng false eyelashes. “`Pag wala naman tayong pera, eh, tayo-tayo na lang din naman talaga.”
“May point ka,” sabi ni Kuya. “Pero wala tayong mapapala dito. Do’n tayo sa labas ng tent.”
Lumabas kami. Tumayo. Malamig ang gabi. Madilim. Hindi na nakisama ang buwan. Natatakpan pa ng ulap ang mga bituin. Patay na rin ang ilaw ng naganap na pista. Tanging ang liwanag sa nilabasan naming tent ang liwanag namin ni Kuya.
“So, Drew. `Tang-ina,” sabi ni Kuya. “Naghiwalay ba kayo ni Aljur? Sabi ko na nga ba, eh. Iiyakan mo `yong lalaking iyon. Ano’ng ginawa mo?”
Nawala ang iyak ko. Bakit naman parang mas kampi pa si Kuya kay Aljur? “Kuya naman…”
Pero hindi na ako nakatuloy.
“Drew, respeto sa pagkakaipit ko, oh,” sabi ni Kuya at itinuro ang flat na flat niyang harapan. “Ipit na ipit, oh. Walang bukol. Babaeng-babae. `Tapos kuya?”
“Ate, hindi si Aljur. Okay kami.”
“Eh, sino nagpapaiyak sa iyo?” tanong ni Kuya. “`Tang-ina naman. Tinu-two time mo ba si Aljur? Akala ko mahal mo siya? Sino namang lalaki `yang nagpapanguyngoy sa iyo?”
Lalo akong napaiyak. Hindi lang basta lalaki si Sylvestre. Siya ang nagbukas sa akin sa mundong ito. Pero pagpasok ko, wala na siya. Walang sasalubong sa akin kundi ang sakit ng pag-iisa. Pagkatapos, pagbalik niya, sasabihin lang sa akin na tapos na ang lahat. Natapos noong papunta na ako sa kanya.
“Kalimutan mo na ang lalaking iyan,” payo ni Kuya. “Focus on Aljur. At kalimutan mo na ang three month-three month na iyan. Hayaan mo na si Sylvestre mo ang magtuloy n’on.”
“`Yon na nga,” sabi ko. “Tapos na ang Three month rule ni Sylvestre. Ikakasal na siya.”
“Ay, kaya ka umiiyak?” sabi ni Kuya at kumanta. “Ikakasal na siya, iiwan ka na niyang nag-iisa.”
“Hindi naman sa ikakasal siya…”
“O, siya. Si Sylvestre `yan. First love mo `yan. Iyak ka lang, pero tama na rin. Hindi naman dahil first love siya, eh, siya na ang last.” Niyakap ako ni Kuya. Yumakap din ako.
“Pero Kuya, si Sylvestre iyon.” Tumuloy-tuloy ang iyak ko. Para akong batang nagsusumbong sa nanay.
“Alam ko. Kaya umiyak ka lang.”
PINTO. Doorbell.
“Akala ko magkasama kayo ni Sylvestre?” tanong ni Aljur. Nakasando lang siya at boxer shorts. Kahit mukhang handa na siyang matulog sa suot, mataas pa rin ang energy niya. Naamoy ko pa ang kape sa kanyang hininga. Ang kapeng pumuno sa buong unit niya. It made me feel home.
Napayakap na lang ako sa kanya. Yumakap din siya pabalik. Sinabayan niya ang higpit ng yakap ko. Na mas humigpit pa nang nasabayan na ng tuluy-tuloy na hikbi ang pagluha ko.
“Wala na siyang pakialam sa akin,” sumbong ko kay Aljur. “Wala na akong epekto sa kanya.”
“Talaga? Kahit `yong nakita niya sa gym, walang dating?”
Umiling lang ako. Hanggang sa mapansin kong may lalaki sa sofa, nakatingin sa amin ni Aljur. Agad kong pinunasan ang mga mata ko. Inayos ang sarili. “Sino ka?” tanong ko. “Sino siya?”
“Hi po,” sabi ng lalaki, sabay kaway. Ngumiti. Cute ang batang chinitong ito. Naka-baseball cap, T-shirt, at shorts. Mukhang galing sa dorm. “Andrei po.”
“Ay, oo nga pala,” sabi ni Aljur. “Andrei, uwi ka na muna. May aayusin lang kami.”
“Sige po,” sabi ng bata. Tumayo, nagsapatos at naglakad papalapit sa amin. “Siya po ba `yong gago n’yong jowa?”
“Ano’ng gagong jowa?” tanong ko.
“Bagong jowa daw,” sabi ni Aljur. “Sige na. Text ka na lang `pag nakauwi ka na.”
“Sige po.” At lumabas ang bata.
“Sino `yon?” tanong ko kay Aljur habang papalapit ako sa sofa. Umupo ako at tiningnan ang kapeng nasa mesa.
“`Yong mas malaking mug,” sabi ni Aljur.
Kinuha ko ang mug at ininom ang kape. Malamig na. “Timpla mo na lang ako ng bago, please,” pakiusap ko.
Sumunod si Aljur. Tinitigan ko naman ang kapeng nasa maliit na mug. Nakakalahati na. Mukhang malamig na rin.
“Ano’ng nangyari…” sabi niya na nasabayan ko naman ng, “Ano’ng kuwento ng batang iyon?”
“Ikaw na muna,” sabi niya. Mukhang mas mahaba ang sagot sa tanong ko.
“Sino `yon?”
“Andrei,” sagot ni Aljur. “`Yong package mo. Dumating ng alas-onse. Thank you, pero gusto kong ikaw lang ang kantot ko hanggang matapos ang tatlong buwan. Ayoko nang masumbatan.”
“Masusumbatan, eh, tapos na tayo in what? Ten days?”
“Uhm, siyam na lang. Nagpalit na ang araw. Pero kung ayos lang sa `yo, eh, huwag mo na akong pakialaman.”
“I cannot. I want you to enjoy the coming days para masaya ka `pag naghiwalay tayo. You can fuck around na.”
“Hindi ko gawain ang gawain mo, Drew,” sabi ni Aljur. “Pero hindi kita hinuhusgahan. Ikaw `yan. Tanggap na kita. Makaka-move on ako, huwag mo akong isipin.”
“Why do you have to be so kind? Do you want me to feel guilty?”
Lumapit si Aljur dala ang dalawang cups ng bagong timplang kape.
“Masasaktan ka lalo kapag naghiwalay tayo,” paalala ko.
“Isang novena pa ang katapat n’on,” sabi ni Aljur. “Huwag mo munang isipin. Focus ka muna kay Sylvestre. Kapag sumabay pa ako, baka mabaliw ka na.” Tumayo siya at kinuha ang malalamig na kape, dinala sa kusina. Pagkatapos ay bumalik siya sa akin. Sa harap ko, hindi sa tabi. “Kaya huwag muna ako, sa iyo muna tayo. Ano’ng nangyari sa date mo? May maisusumbong ka na ba kay Camina?”
Napahinga ako nang malalim.
“Malamang wala,” sabi ni Aljur. “Tanga ko. Kasi kung meron, eh, di sana, hindi ka ngumangawa.”
Hindi naman sa ngumangawa ako. Pero halata yata sa mata ko ang naubos ko ng luha.
“`Yon, matagal na raw kaming tapos,” sabi ko.
“O, pinaalala lang pala niya sa iyo, eh,” sabi ni Aljur. “Bakit mo kasi `yon kinalimutan?”
“Hindi ka nakakatulong,” sabi ko.
“At ano, tinutulungan mo ba ang sarili mo? Hindi, `di ba? Kaya tinutululngan lang kitang hindi tulungan ang sarili mo.”
“Hindi nakakatuwa.”
“Ay, sa tingin mo ba, may nag-iisip na ikaw ang nakakatuwa sa ating dalawa?”
Wala akong nasabi. Ang tingin sa akin ng lalaking ito, eh, gago. Malamang iyon ang kinuwento niya doon sa bata kanina.
“So ano? Naalala mo na, na tapos na kayo. Nag-sink in na siguro. Umiyak ka na nang malala. Paano na? Move on na tayo?” tuloy ni Aljur.
Napainom ako ng kape. Iyon na naman iyon, eh. Wala na pala akong mababalikan. Dumating lang ang hinihintay ko, pero hindi para sa akin. Move on na lang talaga.
“`Tang-ina niya, eh,” sabi ko. “No’ng umalis pala siya, nag-move on na siya. Sana sinabihan niya ako para hindi ako nagkaganito.”
“Ay, sinisi sa iba ang kinahinatnan ng buhay niya?” sabi ni Aljur. “Ano ka? Puberty? Adolescent? `Tanda na tayo, Drew. Alam na naman siguro natin na responsibilidad na natin ang sarili natin at mga desisyon sa buhay.”
“Hindi ka talaga nakakatulong,” sabi ko. “Ayaw mo man lang bang i-fuel ang galit ko sa kanya para maubos na?”
“Wala kang dapat ikagalit sa kanya.”
“Kahit pang-anger phase lang.”
“Hindi,” sabi ni Aljur. “College mo pa dapat pinagdaanan `yan. No’ng hindi na siya bumalik after niyang sabihing bakasyon lang siya sa nanay niya, nagalit ka na sa kanya. At gumanti ka sa lahat ng lalaking binigyan mo ng three month rule mo. Kaming mga lalaking pinagsawaan mo.”
“Alam mo, kung galit ka sa akin, sabihin mo na lang,” sabi ko. Gago itong si Aljur, eh. Pagkatapos natawa ako.
“O, nabaliw ka na. Next phase na ba `yan?”
“Naalala ko lang si Nanay. `Pag ako daw nalaglag sa puno, papaluin pa raw niya ako. Ngayong nasaktan na ako, dinadagdagan mo pa ang sakit.”
Nagtawanan kami. Uminom ng kape.
“Bakit ba hindi mo makalimutan `yang si Sylvestre?” sabi ni Aljur. “Masarap ba? Malaki ba titi?”
“Hindi lang naman sex. Pero oo. Nami-miss ko ang sex namin. `Tang-ina, naglinis ako kaninang umaga. `Tapos kanina, nag-CR pa talaga ako para maglinis uli. Tapos wala pala akong mahihita.”
“Kaya pala nagpa-bottom ka sa akin,” sabi ni Aljur. “So sino ang mas masarap kumantot? Ako o si Sylvestre?”
“Iba si Sylvestre, eh…”
“Ay, sana pumreno. Nagsinungaling naman sana. Sige, sino na lang ang mas masarap kantutin?”
“Si Sylvestre kasi…”
“Eh, di siya na. Sa kanya na ang korona,” sabi ni Aljur.
“Hindi naman sa gano’n.”
“Eto `yong ego ko, o,” pagkatapos, nagmuwestra ng isang malaking bilog at inarteng tinusok ng matulis na bagay. “Then poof. It became Coco Crunch.”
“Ang sabi ko, iba. Hindi mas magaling. Iba siya. Iba ka.”
“Wala akong lamang?” tanong ni Aljur.
Uminom uli ako ng kape. “You make me coffee,” sagot ko. “And it’s the best.”
“Pampainit lang talaga ako sa `yo, `no?”
“Wow, na-connect mo ang kape sa sex? No, I’m just talking about this coffee. I mean, this coffee is so good. You should open a coffee shop someday.”
“Pwede. `Pag nasaktan ako at kailangang makalimot.”
Nagtawanan kami.
“At para may puntahan ka, sakaling hiwalay na tayo at kailangan mo ng uuwian,” dugtong niya. “Pero kung walang kape, parehas lang ba kami? It’s a tie?”
“Wala na. Straight na siya, ikakasal na siya,” sabi ko. “Wala ka nang pagkukuparahan ng galing mo.”
“Tama. Straight na siya,” sabi ni Aljur. “Kaya kalimutan mo na siya. Kahit `yang galit na nararamdaman mo, walang basehan. You can’t blame people for being fluid. Parang love lang ang sexuality. Dati, sinabi niyang mahal ka niya, naging bakla siya para sa iyo. `Tapos, nagbago ang daloy ng tadhana, nagmahal siya ng iba. Nagkataon, babae. Kaya straight na uli siya.”
“Eh, di ibabalik ko na lang siya sa bakla,” sabi ko.
“Ay, akala ko move on na? `Yong bata na lang ang pababalikin ko. Mukhang gusto mo rin naman `yon. Na-disappoint nga. Kasi akala niya, ikaw ang makikita niya, hindi ako.”
Then something popped.
“Alam ba ni Sylvestre na ako ang makikita niya kaya siya nag-back out sa meeting namin dito sa place mo?”
“No’ng tinawagan ko siya, alam niyang ako ang kikitain niya. `Tapos, nalaman niyang ikaw.”
“Baka kaya siya nag-backout, kasi ikaw ang gusto niyang makita.”
“No, hindi iyan ang pupuntahan ng kuwentong ito,” sabi ni Aljur. “Hindi ito habulan na mahal mo siya, mahal niya ako at ikaw ang mahal ko.”
“Bakla pa siya. Kaya gano’n na lang siya makatingin sa gym. Bakla pa siya. Kaya niya kinuha ang number mo no’ng magkita kayo sa bridal shower ng asawa niya. `Tang-ina. Bakla pa siya. `Tang-ina niya.”
“Ay galit na naman?”
“Nagte-text ba kayo?” tanong ko kay Aljur.
“Minsan.”
“Pabasa ng usapan.”
“Ayoko,” sabi ni Aljur.
“Bakit ayaw mo?” sabi ko na nagtaas na ng boses. Napipikon ako sa kaartehan niya. Bakit ayaw niyang magpabasa kung wala naman silang tinatago?
“Bakit? Privacy sana. Hindi naman tayo nagbabasahan ng text message. And would it still matter kung meron, eh, hinainan mo nga ako ng karne kanina lang.”
“Gusto pa kasi niya ng lalaki,” paliwanag ko. “Tinamaan siya sa akin sa gym. Tinamaan siya sa iyo, kaya kinuha niya ang number mo. Gusto ka rin niyang maka-sex.”
Tumawa si Aljur. Tawang may panlalait. “Uy, nagseselos siya.”
“Pabasa nga,” pilit ko.
“Wala naman akong sinasabi sa kanya.”
“Eh, ano’ng sinasabi niya sa `yo?”
Tumawa uli si Aljur. Parang may na-realize. “Ang sakit naman pala nito. Grabe ka, Drew. Ang sakit mo masaktan. Nananakit ka ng iba.”
Hindi ko naiintindihan ang sinasabi ni Aljur.
“Akala ko, nagseselos ka kasi gusto ko si Sylvestre mo. Nagagalit ka pala kasi iniisip mo na ako ang gusto ni Sylvestre.” Huminga nang malalim si Aljur. Uminom ng kape.
“Sorry,” sabi ko. “Hindi naman sa ganoon.”
“Sige na. Okay lang naman kung ganoon. Pinipilit kong maging okay na matatapos na tayo. Pinipilit kong maging masaya na lang. Pero ang sakit-sakit mo.”
“Sorry, Aljur.”
Tumango siya. “Kaya pa. Sige na. Ano’ng plano mo?”
Tumayo ako at tumabi sa kanya. Ipinatong ko ang ulo sa balikat niya. “Sorry.”
“Okay na nga. Hindi ko nga alam kung bakit laging okay lang ako pagdating sa `yo.”
Inilapit ko ang ulo ko sa mukha niya. Inilapit ang mga labi. Hinalikan ko siya na ginantihan naman niya. “Make me feel good again,” sabi ko. “Malinis pa ito.”
“Para kay Sylvestre `yan, eh.”
“Para sa `yo na.”
“Iyan lang? Baka pwedeng lahat ng bahaging para kay Sylvestre, maging akin na?
“Malay mo, makuha mo.”
“`Tang-ina mo. Huwag mo akong paasahin.”
“`Tang-ina ka. Ikaw ang huwag umasa,” sabi kong may paglalambing. “Pero ngayon, sayong-sayo lang `to.”
Natahimik si Aljur, napakagat-labi.
“Game?” panunukso ko.
“Gusto ko ng audience.”
“Tawagan mo `yong bata.”
“ITO PALA ang feeling ng may pamilya?”
Nagising ako sa monolog ni Aljur habang nakayakap sa akin.
“Good morning.”
Nilingon ko siya. Medyo kinabahan ako nang makita siyang nakahiga, at hindi nakahilig sa akin. Sino ito? Kaninong kamay ito? Kaninong laway itong naglalawa sa dibdib ko?
Napansin ni Aljur ang hitsura ko at natawa. “Anak natin.”
“Gising, huy.” Inalog ko ang bata at ngumiti sa akin ang maamo niyang mukha.
“Good morning, mga daddy,” bati niya.
Lalong natawa si Aljur. “Bangon na, Andrei. May pasok ka pa.”
Tumayo ang bata at pinulot ang briefs niya. Kinuha ko naman ang cell phone ko. Alas-otso na. Pwede pang matulog. Pero binasa ko muna ang mga mensahe. May mga friend invites na naman. May mga message mula kung kanino. Birthdays. At isang invitation. Stag Party. Nawala ang antok ko sa stag party.
“Jur,” sabi ko. “Invited ako sa Stag Party ni Sylvestre.”
“Bakit? Pasasayawin ka rin?” sagot niya na hawak na rin ang cell phone.
“Hindi naman siguro.” Napaisip ako.
“Invited din ako,” sabi ni Aljur. “Ano, a-attend ba tayo?”
Dumagdag iyon sa iniisip ko. Tiningnan ko kung sino ang mga nag-confirm. Hindi ko kilala. Huwag na lang.
Pagkatapos, nakita ko ang isa sa mga messages. Si Camina. Punta kayo sa stag party ni Sylvestre. Nag-back out brother niya, kaya ako ang nag-organize. Please invite his other friends.
Mukhang generic text naman ito, pero parang gusto ni Camina na the more the merrier. Alam ko na ang gagawin.
novelraw