Chapter 4
Chapter 4
NAGISING na lang ako na para bang hindi ako makahinga nang maayos.
Pagmulat ko ng aking mga mata, tumambad sa akin ang maamong mukha ni Shaun. Nasa sala pa rin kaming dalawa habang nakahiga sa mahabang couch. Mahimbing pa ring natutulog si Shaun. Hindi ko inakalang makakatulog na kaming dalawa rito.
Kaya pala hindi ako makahinga nang maayos dahil nakadagan sa tiyan ko ang binti niya. Todo-yakap pa siya sa akin. Ginawa na naman akong dantayan nitong si Shaun. Dahan-dahan kong tinanggal ang binti niya para hindi siya magising. Tumayo rin ako para pumunta sa kusina at uminom ng tubig.
Pagbalik ko sa sala, tinurn-off ko ang macbook niya. Naka-play pa rin kasi ang isang movie. Sa sobrang antok naming dalawa, nakalimutan na namin na nanonood nga pala kami.
Sinarado ko rin muna ang pinto sa balcony, saka bumalik sa sala. Nang napaupo ako sa carpet, napatitig ako sa mukha ni Shaun. Ang amo-amo nang mukha niya. He looked like an angel whenever he was sleeping. But whenever he was awake, he turned into a cruel man. Isang malupit na lalaki na paulit-ulit akong sinasaktan na hindi niya nalalaman.
Hinaplos ko ang buhok ni Shaun. Papunta sa mga mata niya, sa ilong, hanggang mapunta sa labi niya ang daliri ko. Palagi kong iniisip kung ano kaya ang pakiramdam ng halik ni Shaun. Kung ano ang mararamdaman ko kapag hinalikan niya ako. Palagi ko itong naiisip dahil alam kong hanggang doon na lang ako. Hanggang pag-imagine dahil never itong mangyayari sa reyalidad.
Hindi ko alam kung ang swerte-swerte ko bang tao dahil naging best friend ko si Shaun. Naging best friend ko ang taong alam kong handang gawin ang lahat para sa akin. Huwag lang ako makitang nasasaktan at lumuluha. Naging best friend ko ang taong pati pagsungkit ng mga bituin ay handang gawin makita lang akong nakangiti at tumatawa.
O sadyang ang malas kong tao?
Sa dinami-rami kasi ng tao sa mundo, sa kanya pa ako na-in love. Sa best friend ko pa tumibok ang puso ko. Ang malas ko dahil alam kong hinding-hindi ko siya makukuha. Hinding-hindi siya magiging akin. Kahit kailan, hinding-hindi ko maaangkin ang puso niya.
Hinding-hindi magiging akin ang puso niya dahil kahit ako ang pinakaimportanteng tao ngayon sa kanya, isang araw, darating pa rin ang pinakaimportanteng babae sa buhay niya.
`Yong babaeng kukumpleto ng pagkatao niya. `Yong babaeng handa niyang gawin ang lahat huwag lang mawala. `Yong babaeng hindi ako dahil best friend niya ako. `Yong babaeng gagawin ni Shaun ang lahat nang ginagawa niya sa akin o mas higit pa.
Natatakot ako na dumating ang araw na iyon. Hindi ko kasi alam kung anong mangyayari sa akin. Kung saan ako pupulutin. Kung anong mangyayari sa nararamdaman ko sa kanya.
Tiyak, forever ko na itong itatago sa sarili ko. Ayoko kasing guluhin si Shaun. Ayoko siyang guluhin kapag masaya na siya. Dahil kahit nasasaktan niya ako, wala akong ibang gusto kundi matagpuan ni Shaun ang babaeng magpapabago sa kung anong pagkatao ni Shaun ngayon.
Bumalik ang tingin ko sa mukha ni Shaun nang mapansin kong antok na antok siyang dumilat.
Akala ko magugulat siya dahil ang lapit-lapit ng mukha ko sa kanya pero hindi.
Binigyan niya lang ako ng matipid na ngiti. Iyong klase ng ngiti na parang sinasabi niyang forever kaming best friend. Na habang-buhay ganito kaming dalawa.
“Bakit ka nagising?” husky ang boses niya. Dala siguro ng antok. “Hindi ka na makatulog?”
I slowly nodded. “Bigla kasi akong nauhaw. `Tapos hindi na bumalik ang antok ko.”
Muling pumikit si Shaun. “I see,” sabi niya saka humarap sa akin.
Kinuha niya ang kamay kong nakalagay sa gilid niya. Hinawakan niya ito nang mahigpit at pinisil nang ilang beses. Ganoon lang ang ginawa ni Shaun hanggang bumalik siya sa pagtulog. Hawak-hawak niya ang kamay ko nang mahigpit na parang walang planong pakawalan.
Sa mga ganitong ginagawa ni Shaun, lumalakas ang loob ko para aminin kung gaano ko siya kamahal. O kung ano ba talaga siya sa puso ko. Gusto kong sabihin sa kanya kung kailan ko na-realize na mahal ko siya higit pa sa kaibigan. O na ayaw ko na maging best friend lang.
Pero palagi rin akong nauunahan ng takot. Palaging mas nangingibabaw ang pagkaduwag ko. Ang daming what if na nabubuo sa isip ko. Paano kung umamin ako at hindi parehas ang nararamdaman namin ni Shaun? Hindi na maibabalik sa dati ang lahat. Mawawala na kung anong meron kaming dalawa. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gulong-gulo na ako.
Bigla na naman akong napatitig sa mukha ni Shaun nang magsalita siya. Hindi ko naintindihan iyong sinabi niya dahil sobrang hina. Mukhang nag-i-sleep talk na naman siya. May ganitong habit si Shaun kapag natutulog. Nagsasalita siya sa pagtulog niya.
Napangiti ako sa sarili ko pero `yong ngiti na `yon ay biglang nawala nang marinig ko nang maayos ang sinasabi niya. He was saying a name while begging. Begging for someone not to leave him.
“Mandy,” sabi niya na parang nahihirapan. “Don’t leave me. Please. Don’t do this to us.”
Ilang beses niya pang inulit `yon hanggang sa bumalik na uli si Shaun sa mahimbing na pagtulog.
Binawi ko ang kamay ko na hawak-hawak niya para takpan ang sarili kong bibig. Para mapigilan ang sarili ko sa pagluha. Pero huli na dahil sunod-sunod nang tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko. Todo-takip ako sa bibig ko para hindi marinig ni Shaun ang mga hikbi ko.
Dali-dali akong pumunta sa kuwarto ko at nagkulong. Napatitig ako sa kawalan dahil ngayon lang din nag-sink-in nang maayos `yong sinabi ni Shaun. `Yong pangalan na binanggit niya. `Yong taong pilit niyang kinakausap na huwag siyang iwan.
Akala ko nakalimutan na ni Shaun si Mandy. Pero hanggang ngayon pa rin pala, hinahanap niya pa rin si Mandy. Nasa puso niya pa rin ang babae at kahit mahigit tatlong taon na ang nakakalipas, hindi pa rin niya nakakalimutan ang unang babaeng minahal niya nang buong-buo. Hanggang ngayon, nasasaktan pa rin si Shaun sa pag-iwan nito sa kanya.
Patuloy lang sa paglabas ang mga luha ko habang isa-isang bumabalik sa isip ko ang mga katotohanang kung ano ba si Mandy kay Shaun.
Si Mandy ang first girlfriend ni Shaun noong first year college kaming dalawa. They were perfect for each other. Kitang-kita ko kung gaano kamahal ni Shaun si Mandy. Nakikita ko kasi kung anong klaseng ngiti ang pinapakita ni Shaun sa kanya na never niyang ipinakita sa akin.
I had seen the sparks in Shaun’s eyes whenever he looked at Mandy. Kitang-kita ko ang pagmamahal niya doon. `Yong klase ng pagmamahal niya na hindi ko mararanasan kahit kailan.
Naging maingay ang relasyon nilang dalawa sa campus. Bagay na bagay daw kasi dahil parehas maganda’t gwapo. Isa pa, hindi nahihiya si Shaun ipakita kung gaano niya kamahal si Mandy. Yayakapin niya ito, hahalikan kahit nasa public place silang dalawa.
Some people found it cute. But I found it a torture to myself. Para kasing binibiyak ang puso ko tuwing nakikita kong masaya si Shaun sa ibang babae. Pero nagpanggap ako. Pinakita ko na masaya ako sa kanya. Sa kanilang dalawa. Kahit na para bang araw-araw akong pinapatay sa loob-loob ko.
Their relationship lasted for only eight months because Mandy got an offer to study abroad. Mabilis itong tinanggap ni Mandy na hindi man lang sinabi kay Shaun. Nasaktan nang sobra si Shaun. Okay lang naman daw sa kanya basta sila pa rin at hihintayin niya si Mandy.
Pero ayaw ni Mandy. Nakipaghiwalay siya kay Shaun. Ayaw niya raw ng LDR type of relationship.
And Shaun started to change himself. He was so affected when Mandy left him. Iyon ang unang beses kong makita si Shaun na umiyak. Gabi-gabing nag-iinom. At palaging nag-uuwi ng babae rito sa condo.
Malaking impact ang nangyari sa buhay ni Shaun nang iwanan siya ni Mandy. She changed his world from a brighter to a darker world. Isang kakayahan na hindi ko kayang gawin para kay Shaun.
Until now, si Mandy pa rin ang laman ng puso ni Shaun. Ito pa rin ang hinahanap niya. Ito pa rin ang gusto niyang makita. Siya pa rin ang nag-mamay-ari kay Shaun.
He would never see what was in front of him because he was too busy looking back.
SHAUN’S POV
LATELY talaga hindi ko na maintindihan kung ano ang iniisip ni Chinnie.
Kahit na nakatira lang kami sa iisang condo, she seemed so far away. She was drifting away from me. Parang ang layo-layo na niya sa akin. Hindi ko na namalayan kung kailan ba ito nagsimula. Parang hindi na siya `yong Chinnie na best friend ko na palaging masayahin at nakangiti.
She had these expressions I couldn’t even understand or explain.
Minsan nakatulala na lang siya sa kawalan. O kaya ang lungkot-lungkot niya. Kapag tinatanong ko naman siya kung anong problema, palagi niyang sinasabi na wala. Wala raw kahit naman alam kong merong gumugulo sa utak niya. Alam kong ayaw niya lang itong sabihin sa akin.
Hindi niya alam na pati ako, naaapektuhan kapag may problema siya. God knows how much I wanted to help her. Kahit ano ay gagawin ko para sa kanya. She was important to me. She was my best friend, for fuck’s sake. Kaya as much as possible, handa akong gawin ang lahat para sa kanya.
I knew I was an asshole and a bastard and a jerk. Pero hindi ako ganoon sa kanya. Ibang-iba ang trato ko sa kanya kumpara sa ibang tao. Kaya sana... sana huwag niya akong paglihiman.
Katulad na lang kaninang umaga, hindi na niya ako hinintay.
Usually sa ganitong araw, sabay kaming pumapasok. Hassle kasi mag-abang ng taxi or bus kaya pinapasabay ko na lang siya sa akin dahil may sasakyan ako. Pero she declined my offer.
Nauna na siyang pumasok sa school. Nang sinabi kong hintayin niya na ako dahil mabilis lang naman akong mag-ayos, nagmamadali raw siya.
Hindi rin siya makatingin nang maayos sa akin. Pero nang magtama ang mga mata namin, nagulat ako sa expression na nasa mukha niya. It was as if she was hurting. Para siyang nasasaktan habang nakatitig sa mukha ko. There was pain in her eyes that I couldn’t even understand.
Wala talaga akong ideya kung bakit naging ganoon. Samantalang nakaraan naman hindi siya ganoon. Nag-bonding pa nga kami. Nanonood ako ng chick flick movies kahit hindi ko gusto `yon. Hinayaan ko na lang since iyon ang gusto ni Chinnie. Mahina kasi ako pagdating sa kanya.
Fuck. This made me insane. Kapag si Chinnie talaga ang involved, nawawala ako sa sarili ko. Hindi ako sanay na nagkakaganito siya. Mas problemado ako kapag may problema siya.
“Hoy, gago! Kanina ka pa nakatulala diyan. Tapos na ang klase!” sigaw sa akin ni Raphael—kaibigan ko at isa sa teammates ko sa basketball.
Tumawa rin si Lucas. Habang si Arjon naman nakatingin lang.
Napalinga-linga ako sa paligid at oo nga, tapos na ang klase. Pero nasa desk ko pa rin ang test paper ko na tanging pangalan ko lang ang naisulat ko. Hindi ko man lang nasagutan.
“Mga gago talaga kayo. Hindi ko man lang na-submit `tong test paper ko!” sermon ko sa kanila.
Tumawa na naman si Lucas. “Dude, kahit naman i-submit mo `yan, zero pa rin score mo. For sure, wala kang nasagot.” `Tapos hinila niya ang test paper. “O, kitams? Pangalan mo lang ang `andito. Feeling mo naman may plus point ka kapag nasulat mo ang pangalan mo.”
“Tanga. Mayroon talaga akong plus point. Gwapo kaya ng pangalan ko,” pagmamayabang ko.
Hinablot ko pabalik `yong test paper ko sa kamay ni Lucas, saka ito binilog at shinoot doon sa basurahan. Pumasok naman ito sa basurahan na walang mintis.
Bukod sa namana ko ang mukha ni Daddy, namana ko rin ang galing niya sa pagba-baskteball. Varsity player tuloy ako ng school. Habang si Daddy naman ay isa nang coach sa sikat na high school sa USA. Doon na silang dalawa ni Mommy nakatira.
Naglakad na kaming apat papuntang cafeteria dahil lunch na. Nauunang maglakad si Raphael at Lucas habang may pinag-uusapan silang dalawa na hindi ko maintindihan. Babae na naman yata. Hilig ko makisali kapag ganoon ang topic pero nang mga oras na `to wala ako sa mood.
Naisip ko na naman kasi si Chinnie. Wala talaga akong kaide-ideya kung bakit ganoon siya. Kung bakit parang ang layo-layo niya. Hindi ako sanay na ganito siya. Nakakapanibago talaga.
“Tulala ka na naman, dude,” sabi ni Arjon habang naglalakad kami.
“May iniisip lang, pre,” sagot ko. “Si Chinnie kasi, eh.”
Alam ng buong tropa, pati ng buong school kung ano para sa akin si Chinnie. Kaya walang nanggugulo kay Chinnie dahil alam nila kung sino ang makakalaban nila.
Nagiging mas tarantado at gago ako nang sampung beses kapag si Chinnie na ang pinag-uusapan.
May inaway akong professor dati dahil kitang-kita ko kung paano siya pasimple tsumansing kay Chinnie. Nagdilim ang paningin ko sa professor na `yon at muntik ko nang bugbugin. Napigilan lang ako ni Arjon dahil tiyak daw malaking gulo iyon. As if I would give a damn.
“O bakit, anong meron?” curious niyang tanong.
I sighed. “Para kasing may problema siya lately.” Nasabunutan ko ang buhok ko. “Dude, ang hirap kapag ganito si Chinnie. `Di ko alam tumatakbo sa utak niya. Parang may wall na humaharang sa aming dalawa. Hindi naman kami ganito dati. Lately lang talaga.”
“Eh, di tanungin mo kung ano ang problema niya,” sabi niya. “Best friend kayo since high school—”
“Since we were seven years old actually,” I corrected him.
Hinding-hindi ko makakalimutan noong una kaming nagkakilala ni Chinnie. Dumalaw kami sa bahay nila dahil kakauwi lang namin galing USA. Ayoko doon sa bahay nila kaya tumakbo ako palabas.
Hanggang sa madapa ako’t masugatan ang tuhod ko. Nakita ako ni Chinnie noon kaya tumakbo rin siya papunta sa akin. Sa sobrang bilis ng pagtakbo niya, nadapa rin siya. Pero hindi siya umiyak. Tumayo pa rin siya agad kahit na dumudugo na ang tuhod niya.
Sabay nilapitan niya ako at yumuko, saka hinipan ang tuhod ko na may gasgas.
“Go go go away, pain, pain, pain. Go go go away. Wala na ang sakit, `no?” sabi niya na ngiting-ngiti kahit na bungi-bungi ang kanyang mga ngipin.
“Seven years old, okay. Best friend kayo since seven years old pa lang kayo kaya panigurado magsasabi sa `yo `yon. Higit sa aming lahat, ikaw ang mas nakakakilala kay Chin.”
“Argh. P’re, hindi nga ganoon kadali. Kahit magtanong ako, alam kong hindi niya sasabihin sa akin.”
Paulit-ulit kong nasabunutan ang sarili ko dahil gulong-gulo na ang utak ko.
“May nagawa ka bang kasalanan sa kanya lately?”
Tumango ako. “Oo. Pero nag-sorry na naman ako. Napatawad na niya ako para doon.”
“Gago! Hindi por que napatawad ka na ng isang babae para sa kasalanang nagawa mo, ibig sabihin makakalimutan na nila `to. Ano’ng tingin mo sa sorry mo, p’re, magic eraser? Na isang sorry mo lang, mawawala na ang sakit?” pangri-real talk niya. “Ano ban’g nagawa mo?”
“Nag-uwi ako ng babae sa condo?” I confessed. “We did it there.”
“Holy shit. `Tapos `andoon si Chinnie?” Muli akong tumango “Gago ka talaga, pare. Sa lahat ng lalaki, ikaw pinakatarantado. Alam mo `yon? Malamang, masasaktan `yon!”
Kumunot ang noo ko. “Ha? Masasaktan? Bakit naman? `Di ko naman girlfriend si Chinnie. We’re just best friends. Platonic love ang nararamdaman namin sa isa’t isa. Magkapatid na turingan namin.”
Tiningnan ako nang seryoso ni Arjon. “Ganyan ang tingin mo sa kanya. Eh, siya kaya?” sabi niya. “Dude, minsan matuto kang makiramdam. Huwag kang manhid-manhidan. Lahat ng tao napapansin na pero ikaw na lang ang hindi. Nakakasakit ka na ng tao na hindi mo pa nalalaman.”
“Teka. Teka. Hindi ko maintindihan. Si Chinnie ang topic natin at ang problema niya. Paanong napunta sa lahat na ng tao ay napapansin. Ang ano?” gulong-gulo kong sagot. “Kagwapuhan ko?”
“Tang’na mo. Humanap ka nga ng kausap mo!” asar na sabi ni Arjon sa akin at nauna na naglakad.
“Kita mo `tong tao na `to. Nagtatanong ako nang maayos, eh.”
Sumunod na ako sa paglalakad sa kanila. Napahinto lang kami ng paglalakad nang may humintong tatlong babae na fourth year sa amin. Niyaya nila kami sumama the next day dahil birthday daw ng isa sa kanila. Hindi ako interesado sa mga sinasabi nila. Sila Lucas ang sumasagot.
Nag-iisip pa rin ako kung ano ba kasi talaga ang problema ni Chinnie. Kung galit ba siya sa akin? Wala kasi akong natatandaan na nagawa kong kasalanan. Kung meron naman, nagso-sorry agad ako dahil ayoko ngang nagkakagalit kaming dalawa.
`Tangna. Ang sakit naman sa ulo nito. Parang binibiyak ang ulo ko sa kakaisip.
Galit ba si Chinnie sa akin dahil pinigilan ko siya na huwag sumama doon sa blind date na sinasabi ni Bea? Eh, ayoko lang naman na mapahamak siya. Pinigilan ko lang siya dahil alam ko mga utak ng mga lalaking pupunta sa ganoon. Hindi `yon pang seryosohan. Ayoko lang masaktan si Chinnie.
Dahil kapag nasaktan siya, wawasakin ko lahat ng nanakit sa kanya. Wala akong pakialam kahit pa gawin kong kaaway ang buong mundo para lang sa kanya.
Pero siguro nga nagalit sa akin si Chinnie dahil pinigilan ko siya sa date na `yon. Naging strict ako masyado pagdating sa kaligtasan niya. Pakiramdam ko kasi, lolokohin lang siya. Hindi niya deserve `yon. Hindi niya deserve maloko at masaktan.
Nakita ko si RJ na dumaan. Kasama siya ni Chinnie sa Art Club. Matinong tao si RJ dahil puro pag-aaral lang ang alam ng nerd na `to. Hindi man kagwapuhan at least, alam kong wala siyang guts na manloko ng tao. Nasa mukha na niya na desente siyang lalaki.
Tinawag ko siya saka nilapitan. Huminto naman siya at agad akong nilingon.
“Bakit?” tanong niya nang magkaharap kami.
“May gusto ka kay Chinnie, `di ba?” deretso kong tanong. Wala nang paligoy-ligoy pa.
“Uh, bakit mo natanong?”
“Kailangan ko lang malaman,” sabi ko. “Ise-set kita ng date sa kanya.”
Kumunot ang noo niya. “Ha? Para saan? Eh, sa pagkakatanda ko, pinalayo mo ako sa kanya. Kahit sa Art Club, hindi ko na siya nilalapitan. `Tapos ngayon ise-set mo ako ng date sa kanya?”
“Hays! Huwag ka na magtanong. Basta ilalakad kita sa kanya. Ano, okay ba?”
“Okay lang naman,” sabi niya na halatang masaya pero kinakabahan. “Pero, bakit?”
“`Dami mong tanong!” inis kong sagot. “Basta huwag mo lang lolokohin si Chinnie. Kundi magtago ka na. Ay, mali. Kahit pala magtago ka, hahanapin kita para lang basagin ang mukha mo.”
Namutla si RJ sa mga pagbabanta ko. Tama `yan. Matakot ka. Dahil hindi ako nagbibiro.
“Hindi ko siya lolokohin. She doesn’t deserve it. Pero teka. Ayos lang ba kay Chinnie `to?” tanong niya. “I mean, okay lang ba sa kanya makipag-date sa akin?”
“Oo naman. Gusto niya ngang pumunta sa isang blind date no’ng nakaraan, eh,” sabi ko.
“Sa tingin ko hindi, eh. `Tapos ikaw pa ang magse-set up. Baka masaktan lang siya,” seryoso niyang pagsasalita. “Hindi mo ba napapansin, Shaun? Hindi mo ba napapansin kung papaano tumingin si Chinnie sa `yo? Kung ano-anong mga expression ang mga nasa mukha niya na sa `yo niya lang pinapakita at hindi sa iba?”
Ano-anong expressions ang nasa mukha niya na sa akin niya lang pinapakita? Malamang, ako ang best friend niya, eh. May mga side talaga siya na sa akin niya lang ipapakita at hindi sa iba.
“`Pinagsasabi mo?” kunot-noong tanong ko. “Parehas kayo ni Arjon. Naka-drugs ba kayo?”
Hindi nagbago ang expression sa mukha ni RJ. Nanatili pa rin siyang seryoso.
“No’ng nanalo si Chinnie last year sa Art Competition. Ano’ng drawing ang pinanalo niya?”
“Anong drawing? Mukha kong natutulog. Hindi ko nga alam kung ano’ng meron doon. Oo, magaling mag-drawing si Chinnie. Pero bakit mukha ko? Art ba ang mukha ko?”
“Art speaks a thousand unspoken words, Shaun. Kahit ako napa-wow no’ng nakita ko `yong entry niya. Agad kong nasabi sa sarili ko na punong-puno ng emosyon `yong drawing na `yon. Na ginuhit niya `yon gamit ang iba’t ibang emosyon na nararamdaman niya. Todo-puri kay Chinnie ang lahat ng judges dahil doon. Kaya no wonder siya ang nanalo.”
Natahimik ako at inalala `yong drawing ni Chinnie na pinanalo niya sa contest at pinanregalo niya sa akin noong nakaraang birthday ko. Nakasabit iyon sa kuwarto ko sa condo.
Drawing iyon ng mukha ko na natutulog. `Tapos napapalibutan ako ng mga tubig habang may pumapatak na drops ng ulan `ata iyon. Basta ang daming drops ng ulan sa paligid ng painting. Pati sa pisngi ko sa drawing may mga drops din. Kung iisipin parang luha. Pero siguro ulan nga iyon.
“Hindi ko alam. Wala akong alam sa art. Ang dami mong sinasabi. Basta sasabihan kita kung kailan ang date, ha? Sige!” sabi ko saka tumalikod na.
Maglalakad na sana ako nang mapahinto ako dahil sa sinabi ni RJ.
“Shaun, sana ma-realize mo na agad kung ano ba talagang meron. Wala ako sa posisyon para sabihin `to pero sana aware ka sa paligid mo. Aware ka sa feelings ng isang taong malapit sa `yo. Huwag mo sanang patuloy na saktan ang taong palaging nasa tabi mo.”
Humarap ako sa kanya at nakita kong naglalakad na siya palayo. Kaya hinayaan ko na lang.
Habang naglalakad pabalik sa mga tropa ko, napaisip ako dahil sa sinabi ni Arjon at RJ.
Pota. Ano bang meron? Bakit parang may nararamdaman sila na hindi ko nararamdaman? Bakit parang may napapansin sila na hindi ko napapansin? Pinapasakit lang nila ang ulo ko.
Huwag na nga sila dumagdag sa mga iniisip ko. Problema ko na nga si Chinnie `tapos kung ano-ano pa ang mga pinagsasabi nila. Pambihira naman, o.
Pabalik na ako kila Arjon nang makita ko naman si Chinnie na naglalakad. May kasama siyang babae na kaklase niya na hindi ko kilala. Good thing nakangiti siya ngayon habang nagkukuwentuhan sila. Unlike kanina na para siyang nasasaktan bago umalis ng condo.
“Chin!” sigaw ko at tumakbo palapit sa kanya.
Napahinto naman siya para hintayin ako. Habang `yong kasama niya ay nauna nang maglakad.
“Bakit?” tanong niya na hindi na naman makatingin sa akin.
Damn. Why can’t you just look at me?
“You’re still mad at me, right?” tanong ko. “Alam kong galit ka pa rin dahil hindi kita pinasama doon sa blind date na sinasabi ni Bea. Kaya huwag ka na magalit dahil magse-set ako.”
Gulat siyang napatingin sa akin.
“Nag-set ng ano?” sagot niya na mahigpit na napayakap sa textbooks na dala-dala.
Ngumiti ako. “Nag-set ako ng date para sa `yo. Date kasama ang lalaking alam kong hindi ka sasaktan at seseryosohin ka. Para naman hindi ka na magalit sa akin. Don’t worry, kilala natin parehas `tong lalaki na `to at matino siya. Hindi siya tarantado’t gago na katulad ko,” I joked.
“N-nag-set up ka ng date para sa akin? Kasama ang isang lalaki?” gulat niyang tanong.
“Yap!” sabi ko na todo-ngiti pa.
Nakatitig lang ako sa mukha ni Chinnie. I thought she would be happy when I announced this to her.
Pero hindi ko inaasahan ang expression na gumuhit sa mukha niya.
She looked at me like she was about to cry.
Where did I go wrong?
novelraw