Chapter 6
Chapter 6
The Mystery of Ava Taylor
Isang galit na galit na Rigor ang nadatnan ni Matthaios sa pinto ng laboratory room ng Research Institute of the Philippines kinaumagahan.
“Where have you been? Halos magdamag kang nawala kahit alam mo na kailangang-kailangan ka dito?” pasikmat na tanong ng lalaki sa kanya.
“I just visited my relatives here,” kalmadong tugon niya habang pumapasok sa laboratory room. Nilampasan niya ang nakatayong si Rigor.
“At inuna mo pa ang pamamasyal kaysa sa trabaho natin dito? Remember, we are running out of time. Konting panahon lang ang ibinigay sa atin ni Directo Levidis upang i-solve ang problema natin sa buwiset na virus na ito,” gigil ni Rigor habang sinusundan siya.
Kalmado pa ring hinarap ni Matthaios ang nanggagalaiting lalaki. “I know why you’re upset, Rigor. Hindi mo gusto ang sitwasyon mo ngayon. Sa halip kasi na nasa Athens ka at inaasikaso ang sarili mong kasal ay naririto ka ngayon upang hanapan ng solusyon ang problema ng bansang ito.”
“Alam mo pala,” singhal ng lalaki. “Nagsasakripisyo ako, kung kaya dapat ay ganoon ka rin. Huwag mong unahin ang personal mong lakad dito.”
“You know, it was not purely personal matter. Umalis ako kahapon sa pagbabakasakali na may makapagturo sa akin kung saan matatagpuan si Ava Taylor. And you know what? Iba ang natagpuan ko,” kalmado pa rin niyang tugon habang pumapasok sa isang silid.
Nagulat pa ang magkapatid na Hagen at Helga nang bigla silang pumasok sa loob ng silid. May ilang Pilipinong doktor na kasama ang mga ito at tila may mahalagang pinag-uusapan. Lahat ay nakasuot ng personal protective equipment.
“At ano naman iyon?” asik ni Rigor.
“Isang nocturno.” Pagkasabi noon ay hinila ni Matthaios ang puting kumot na nakatalukbong sa isang nilalang na nakahiga sa operating table. Wala itong malay habang mahigpit na nakatali ng kadena ang mga braso, binti, paa at kamay.
Sukat ay wala nang nasabi si Rigor sa nakita. Namamanghang nilapitan pa nito ang nocturnal mutant. “Jesus Christ! How did you get him alive?”
Sasagutin sana niya ang tanong ni Rigor ngunit biglang nagsalita si Helga. “He’s under sedation. Nakuhanan na siya ng blood sample. Sisimulan na namin ang pag-aaral sa kanyang genetic components. Tinanggal na rin namin ang bala sa kanyang katawan. He’s also under medication.”
“Kale!Gawin n’yo lang mabilis upang masimulan na natin ang pagtuklas ng bakuna at gamot. Pero mag-iingat kayo dahil buhay na virus ang pag-aaralan ninyo,” sabi niya upang sadyaing huwag sagutin ang tanong ni Rigor. Kanina pa siya napipikon dito at malapit-lapit na niya itong patulan.
Maya-maya’y lumapit sa kanya si Hagen, hawak ang sariling cell phone. “Nagawa ko na ang iniutos mo, Matthaios, pero talaga yatang wala ni isang social media account si Ava Taylor. Pero na-trace ko na kung sino ang talent manager na humahawak sa kaniya, isang nagngangalang Khid Morales,” sabi ni Hagen habang ipinapakita sa kanya ang isang larawan sa cell phone.
“Kale!” sabi niya matapos sulyapan ang larawan. “Na-kontak mo na ba siya?”
“Nai!”mabilis na sagot ni Hagen. “Ngunit ayaw niyang makipag-cooperate. Ang sabi niya ay hindi niya personal na kilala si Ava Taylor dahil isa lang itong freelance model. Kinokontak lang daw niya ito kapag may project at kung pipirma ng kontrata sa modelling agency nila.”
Saglit na nag-isip si Matthaios. “Sino’ng niloloko niya? Talent manager na walang alam na detalye tungkol sa modelo niya maliban sa phone numbers nito?” kunot- noong sabi niya. “Hanapin mo ang social media account ng taong iyan, ngayon din.”
Mabilis na nag-search si Hagen gamit ang hawak na cell phone. Pagkaraan ng ilang minuto ay muli nitong ipinakita ang screen ng gadget sa kanya. Kinuha niya ang cell phone at mabilis na nag-browse sa profile ni Khid Morales habang abala naman si Rigor at si Helga sa pagsusuri sa natutulog pa ring nocturno. Mabuti na lang at tila nakalimutan na ni Rigor ang galit kanina dahil kung hindi ay baka mapatulan na niya ito.
“Bingo!” bulalas niya. Nagsisinungaling ang Khid Morales na ito. Maraming larawan na magkasama sila ni Ava Taylor. At sa mga kuha ay malinaw na hindi isang simpleng manager-talent lamang ang kanilang relasyon.” Dinukot ni Matthaios ang sariling cell phone matapos ibalik kay Hagen ang sariling gadget nito. Mabilis niyang ni-dial ang number ng pulis na itinalaga upang makatulong nila sa pag-iimbestiga.
Atubili si Khid Moralessa pagsagot sa mga tanong ni Matthaios, halatang may pinoprotektahan ito. Narito sila ngayon sa isang condominium sa Makati. Personal niyang pinuntahan ang baklang talent manager kasama si Rigor at ang pulis na nakatalaga bilang escort nila, si Police Major Derron Sorrentino.
“Bakit ba ang dami mong tanong? Pulis ka ba?” naiiritang tanong ni Khid. Maiilap ang mga mata nito, palatandaang hindi ito komportable sa pakikipag-usap sa kanilang tatlo. “Sinabi ko nang hindi ko personal na kilala si Ava. Ni hindi ko nga alam ang tunay niyang pangalan. At wala akong contact number niya. Ang opisina namin ang kumokontak sa kanya kapag may proyektong nakalaan para sa kanya.”
“Saan ang office ng modelling agency ninyo? Pupuntahan namin upang doon kami magtanong,” sabat ng kanina pa nakikinig na si Major Sorrentino.
“Eh, kahit sabihin ko sa inyo, wala din naman kayong matatanong doon dahil closed iyon ngayon. Lockdown nga, di ba? Lockdown?” mataray na tugon ng bakla.
Galit na hinila ni Major Sorrentino ang kuwelyo ng suot na t-shirt ni Khid. “Kanina pa ako napipikon sa iyong bakla ka, ha! Ang ayos ng mga tanong namin pero hindi maayos ang mga sagot mo. Baka gusto mong ipalapa kita sa mga nocturno na gumagala rito sa Maynila?”
Agad namutla si Khid pagkarinig sa nocturno. “Eh, kasi naman kayo…bigla kayong susulpot dito sa unit ko at pagkatapos ay parang may kriminal kayong hinahanap kung makapagtanong.”
“Kung alam mo lang,” singit ni Rigor, “mas masahol pa sa isang kriminal ang hinahanap namin. She’s a devil. The carrier of death to mankind. ”
Ipinasya ni Matthaios na lumayo na sa tatlong lalaki yaman din lang at hindi na niya nagugustuhan ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Rigor. Hindi pa niya kilala si Ava Taylor, pero apektado siya sa mga panlalait at panghuhusgang naririnig niya para rito mula sa kanyang mga kasama.
Habang nag-uusap ang tatlo ay nagpatuloy sa pag-browse ng cell phone si Matthaios sa pag-asang may makuha pa siyang impormasyon mula sa social media account ng talent manager. Napakunot ang noo niya nang isang larawan ang mapansin niya mula sa mga post ni Khid. Si Ava katabi ang talent manager at ang isang foreigner. Dali-dali siyang bumalik sa kinaroroonan ng tatlo.
“Sino ito?” tanong niya kay Khid sabay pakita rito ang larawan na nasa gadget.
“S-si Borris iyan. Dyowa ni Ava…” Sa takot ay mukhang hindi na nakaisip magkaila ang bakla.
“Apelyido?” si Major Sorrentino.
“Ivanovich. Borris Ivanovich.”
Lalong nagalit ang pulis sa tugon ni Khid. “Akala ko ba, hindi mo personal na kilala si Ava? Pero itong boyfriend niya ay kilala mo. Ginagago mo ba kami?”
Nagsisigaw na ang bakla. “Ano ba kasing kailangan ninyo sa kanya? Hindi naman kasi masyadong sikat ang babaeng iyan. Actually, pipitsuging modelo lang siya. Wala kayong mapapala sa kanya.”
“Pipitsuging modelo pero nakapang-akit ng isang diplomat?” sarkastikong tanong ni Rigor.
Bigla ang pagbabago ng kulay ng mukha ni Khid pero mas lalo pa itong nagtaray. “Aba, wala na akong pakialam doon. Kargo niya ang sarili niya kung umeekstra man siya bilang escort girl. At ano naman ang problema kung makapang-akit siya ng isang foreign diplomat? Kasalanan ba niyang ubod siya ng ganda?”
Muling sinulyapan ni Matthaios ang larawan sa screen ng cell phone at sumang-ayon siya sa sinabi ni Khid. Sa kabila nang makapal na make up, dark gray contact lens at may kulay na buhok, hindi maitatangging napakaganda talaga ni Ava Taylor.
“Aalis na kami pero maaari kaming bumalik dito kapag meron pa kaming gustong malaman tungkol sa modelong ito. At inaasahan namin na naririto ka pa rin sa unit na ito pagbalik namin,” mahinahon niyang sabi.
“At paano naman ako makakaalis dito? Lockdown nga, di ba? Lockdown!” pagtataray muli ni Khid.
Umamba ng suntok sa bakla ang hindi na nakatiis na si Rigor. Mabuti na lamang at maagap na umawat dito si Major Sorrentino.
Naiiling na pinagdadampot naman ni Matthaios ang mga magazine na nakakalat sa ibabaw ng center table. Umaasang isa man doon ay makakapagturo sa kinaroroonan ng misteryosang si Ava Taylor.
novelraw